DAPAT BANG SUMABAL SA 'MRT CHALLENGE' SI PNOY?


Para personal daw na maranasan ang sakripisyo ng mga sumasakay sa Metro Rail Transit (MRT) lalo na kapag rush hour, may mga nagmumungkahi na dapat sumabak din sa tinatawag na "MRT challenge" si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Kabilang sa mga opisyal sa gobyerno ang sumabak na sa MRT challenge ay sina Senador Grace Poe, at  sina Presidential Spokesperson Secretary Edwin Lacierda at Undersecretary Abigail Valte.

Samantala, sumakay din sa MRT si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya pero pinuna ito ng ilan dahil ginawa niya ang pagsakay sa oras na hindi naman dagsa ang mga pasahero.

Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., na hindi na dapat ipagawa kay Aquino ang hamon dahil lubha itong abala sa pagtutok sa mga problema ng bansa.

Basahin: Palace spokesperson accepts ‘MRT challenge’

Basahin: Abaya dared to ride the MRT during rush hour

Bukod dito, hindi naman daw kailangan na maranasan pa ng personal ni Aquino ang sitwasyon sa MRT para malaman lang ang dinaranas ng mga pasahero ng naturang uri ng transportasyon na madalas na nasisiraan ngayon.

“Sa aking palagay ay hindi naman niya [Aquino] kailangang sumakay doon para maramdaman niya o maunawaan niya,” ani Coloma.  “Unawain natin na ang Pangulo ay ama ng bayan, marami pong mga suliranin ang kinakaharap sa buong maghapon at magdamag.”
 
Lumakas ang panawagan kay Aquino na sumalang sa "MRT Challenge"-- lalo na mula sa netizens -- dahil sa matagumpay na ALS Ice Bucket Challenge.

Nais ng mga naghahamon kay PNoy na sumalang sa MRT challenge para maranasan din umano ng pangulo ang pagtitiis ng mga pasahero sa mahabang pili, at kung mamalasin pa ay abutan ng aberya ng tren sa biyahe.

Ayon naman kay Coloma, nakasakay na siya sa MRT nang magsilbi siyang transportation undersecretary noon. Gayunman, handa rin naman daw siyang sumakay uli rito.

“Kung mayroong sapat na pagkakataon ay handa rin akong sumakay muli para makiisa sa nagiging karanasan ng ating mga mamamayan sa araw-araw,” anang opisyal.

Nauna nang iginiit ni Abaya na hindi bulok ang MRT sa kabila ng sunod-sunod na aberyang nangyari rito sa nakalipas na mga linggo. -- FRJ, GMA News






SOURCE: http://www.gmanetwork.com/news/story/377442/ulatfilipino/talakayan/dapat-bang-sumabak-sa-mrt-challenge-si-pnoy

No comments:

Post a Comment